Republic of the Philippines
SUPREME COURT
Manila

FIRST DIVISION

 

G.R. No. 58847 August 31,1989

PEOPLE OF THE PHILIPPINES, plaintiff- appellee,
vs.
BARTOLOME BARRANCO, accused-appellant.


GANCAYCO, J.:

Ang isang karaniwang kasabihan ay "ang karangalan ng isang tao ay katumbas ng kanyang buhay," lalo na at kung ang pag-uusapan ay ang karangalan, dangal o puri ng isang babae. Kaya nga sa batas, ang pagsira ng puri ng isang babae ay mabigat na kasalanan at kung ito ay ginawa ng sapilitan ang parusang katumbas ay mabilanggo habang buhay. Ano pa at kung ang pag-gahasa ay ginamitan ng sandatang nakamamatay o ginawa ng dalawa o higit pang kalalakihan, o ang pinagsamantalahan ay namatay o nasiraan ng bait, ang pataw na parusa sa batas ay bitay. 1 Ganoon pa man sa ating saligang batas ay ipinagbabawal na ilapat ang parusang ito. 2

Ito ang paksa ng paghahabol na ito. Si Rosalia Barranco ay isang dalagang labing-siyam na taong gulang lamang. Siya ang panganay sa pitong anak ng magasawang Jaime at Aurora Barranco. Tuwing araw ng Sabado, ang magkakapatid maliban kay Rosalia ay tumutulong sa kanilang mga magulang sa pagsasaka sa kanilang bukid sa Abanay, may layong tatlong kilometro sa kanilang tirahan sa Madong, Janiuay, Iloilo. Naiiwang mag-isa si Rosalia sa bahay upang siya ay tumingin sa alagang baboy at magsilbing bantay ng kanilang tahanan.

Si Bartolome Barranco ay may-asawa at limang anak. Siya ay pinsang makalawa ng ama ni Rosalia at pinakamalapit na kapitbahay ng pamilyang Barranco sa Baranggay Madong. Ang pagitan ng dalawang tirahan ay humigit kumulang lamang sa isang daang (100) metro. Si Rosalia ay kumare ng asawa ni Bartolome. Nang katanghalian ng ika-10 ng Pebrero, 1980, habang si Rosalia ay mag-isang natutulog sa kanilang bahay, bigla na lamang niyang naramdaman na may taong nakadagan sa kanya. Nang imulat ni Rosalia ang kanyang mga mata, nakita niya si Bartolome na hubot hubad sa kanyang ibabaw. Kung sa papaanong paraan nakapasok sa kanilang bahay ang nasabing tao ay hindi niya mawari. Nang makita niya ang mukha ni Bartolome akala niya na ang mga pangyayari ay isang masamang panaginip lamang subalit siya ay nagitla nang itinutok ni Bartolome ang isang patalim (butcher's knife) sa kanyang leeg. Binalaan siya nito na kung siya ay magtatangkang gumalaw o sumigaw ay papatayin siya nito. Hindi makagalaw sa sindak si Rosalia. Itinaas ni Bartolome ang kanyang palda at biglang binatak ang kanyang panti.

Sapagkat magkadikit ang mga hita ni Rosalia, iniutos ni Bartolome na ibuka niya ang mga ito. Hindi siya sumunod kaya siya ay binantaang muli na papatayin ni Bartolome kapag hindi niya ibinuka ang kanyang mga hita. Lalong nanigas sa takot si Rosalia. Hinawi ni Bartolome ang mga hita ni Rosalia, at tinangka nitong ipasok ang kanyang ari sa ari ng dalaga. Matapos ang dalawang ulit na sapilitang pagtatangka ay nagtagumpay si Bartolome na maipasok ang kanyang ari at tuluyang hinalay si Rosalia. Naramdaman ni Rosalia ang matinding hapdi sa bungad ng kanyang ari. Pagkatapos nito, nagpahinga si Bartolome ng mga limang minuto habang ang kanyang ari ay nakababad sa ari ni Rosalia. Ipinagpatuloy niya ang kanyang makamundong pagnanasa. At habang ginagahasa ni Bartolome si Rosalia hawak niya ang patalim na nakatutok sa leeg ni Rosalia.

Bago tuluyang umalis si Bartolome, binalaan niya ang dalaga na huwag magsusumbong sa kanyang mga magulang kung ayaw niyang mamatay. Sumusulak ang kalooban ni Rosalia sa tindi ng galit bunga ng pagkalugso ng kaniyang puri, subalit hindi siya makakibo dahil sa malaking takot na baka siya ay patayin ni Bartolome oras na isiwalat niya ang nangyari. Kaya't minabuti na lamang niya na itikom ang kanyang bibig at tiisin ang masaklap na kapalaran.

Noon ika-19 ng Marso, 1980, ika-siyam ng umaga noon, habang si Rosalia ay abalang naghahanda ng pagkain ng alagang baboy, bigla na lamang siyang sinakmal ng buhat sa likod ni Bartolome upang pagsamantalahang muli. Ang kanyang ina ay nagkataon na wala sa bahay noon sapagkat dumalo sa pagtatapos ng isa sa kanyang mga kapatid na babae. Sa kanyang pagkabigla, dinampot ni Rosalia ang isang pirasong kahoy at ipinalo niya ito sa ulo ni Bartolome. Binitiwan siya ni Bartolome. Agad siyang lumabas ng bahay at sinabing sisigaw ng saklolo kung hindi titigil si Bartolome. Dahil dito, agad-agad umalis si Bartolome.

Pagdating ng kanyang ina, nuong mga ikalabing-isa ng umaga, nakita nito si Rosalia na umiiyak. Itinanong nito ang dahilan. Hindi na nakatiis si Rosalia at napilitang ipagtapat sa kanyang ina ang naganap noong ika-10 ng Pebrero. Kinabukasan, si Rosalia kasama ang kanyang ina ay nagsumbong sa puno ng pulisya sa Janiuay, Iloilo. Pinayuhan sila na ipasuri muna ang dalaga sa manggagamot ng NBI sa Iloilo City. Sa nasabing tanggapan, sinuri siya ni Dr. Ricardo H. Jaboneta. Tiningnan pa kung siya ay buntis (pregnancy test) at napagalaman na siya nga ay nagdadalang tao.

Noong ika-16 ng Abril, 1980, nagharap ng habla si Rosalia sa salang panggagahasa laban kay Bartolome sa mababang hukuman (municipal circuit court) ng Janiuay-Badiangan, Iloilo. Matapos madakip si Bartolome at ang paunang pagsisiyasat, ang nauukol na habla ay isinampa ng punong taga-usig ng lalawigan sa hukuman. Nang itanong kay Bartolome kung inaamin niya ang paratang laban sa kaniya sa hukuman, tinanggihan niya ito kayat pinasimulan ang paglilitis hanggang sa ito ay matapos.

Noong ika-3 ng Abril, 1981 naglabas ng hatol ang hukuman. Napatunayan na si Bartolome ay nagkasala ng panggagahasa sa pamamagitan ng sandatang nakamamatay. Ipinataw sa kanya ang parusang pagkabilanggo ng habang-buhay kasama ang iba pang mga parusa ayon sa batas at ipinagbabayad pa siya ng halaga ng usapin. Iniutos din ng hukuman na kilalanin niyang anak ang bunga ng kanyang kasalanan. At sa dahilang siya ay nakapiit mula pa ng ika-3 ng Hulyo,1980, iniutos din na ang kanyang pansamantalang pagkabilanggo ay bibilangin na kasama sa parusang ipinataw sapagkat siya ay lumagda sa isang kasunduan na tutupad sa lahat ng pinag-uutos sa mga naparusahang nakapiit.

Naghahabol ngayon ang nasasakdal sa Hukumang ito at sinasabing: (1) hindi dapat pinaniwalaan ang pahayag ng nagreklamo sa dahilang walang ibang nagpatotoo dito; (2) na hindi siya dapat parusahan sa salang panggagahasa; at (3) hindi siya dapat utusan na kilalaning anak niya ang naging supling ni Rosalia.

Matapos na suriin ang mga katibayang iniharap, walang makitang sapat na dahilan ang Hukumang ito upang baguhin ang pasiya ng mababang hukuman.

Ang kasalanang panggagahasa ay totoong mahirap patunayan sapagkat ang karaniwang nakakaalam lamang nito ay ang pinagsamantalahan at ang nagsamantala. Samakatuwid, hindi maaasahan na mayroon pang ibang makapagpapahayag ng pangyayari. Hindi pangkaraniwan na ang salang ito ay nagaganap na may saksi. Sa ganitong dahilan ang hukuman ay umaasa sa katapatan ng pahayag ng nagsusumbong at tinitimbang ito laban sa pagtanggi o pagpapasinungaling ng inuusig.

Sinasabi ng nasasakdal na hindi dapat paniwalaan ang mga pahayag ng nagsasakdal dahil sa hindi pagkakatugma nito.

Una, di-umano ay nagpahayag ang nagsasakdal na siya ay natakot kaya siya ay sumunod sa utos ng nasasakdal na ibuka ang kanyang mga hita. Subalit nang tanungin siyang muli ng manananggol ng nasasakdal ang naging kasagutan niya ay ang nasasakdal ang siyang humawi ng kanyang mga hita. Walang saliwa sa mga pahayag na ito. Malinaw na dahil sa tindi ng takot ni Rosalia, ibinuka niya ang kanyang mga hita at hinayaang mahawi ng nasasakdal ang kanyang mga hita.

Ikalawa, sinabi raw ng naghahabla na binunot ng nahahabla ang kanyang ari pagkatapos siyang gamitin nito at ipinasok lamang ito nang muli siyang inabuso. Noong siya ay tanungin ng manananggol ng nasasakdal ukol sa bagay na ito, ng sabi niya ay nagpahinga ang nahahabla na ang kanyang ari ay nakababad sa loob ng kanyang ari.

Dapat alalahanin na ang naghahabla ay isang dalaga na noon lamang nakaranas ng bagay na ito. Nakaramdam siya ng matinding sakit sa kanyang ari at bukod pa rito ay ang malaking takot na sumagila sa kanya. Hindi maaasahan na malaman pa niya kung binunot nga o hindi ng nasasakdal ang kanyang ari. Maaaring sinabi niyang nakababad pa rin ang ari ng inuusig sa kanya kung pagkatapos ng paggalaw nito ang nasasakdal ay hindi umalis sa pagkakadagan sa kanya habang ito ay sandaling nagpahinga.

Ikatlo, di-umano, tiwali ang pahayag ng naghahabla na noong ika-19 ng Marso nang tinangkang halayin siyang muli ng nasasakdal ay pinalo niya ito ng kahoy sa ulo, at sinabi rin niya na kung ang nahahabla ay lalapit, siya ay lalabas at hihingi ng saklolo. Walang lisya dito. Maliwanag na sinabi ng nagsasakdal na pinalo niya sa ulo ang nasasakdal kaya nabitawan siya nito. At malinaw rin na ang nagsasakdal ay lumabas at sinabing hihiyaw siya kapag nagpatuloy sa masamang tangka ang nasasakdal.

Ganoon pa man, kung mayroon mang hindi pagkakatugma ang pahayag ng naghahabla, ito ay sa mga maliliit na bahagi lamang at ito ay hindi sapat na dahilan upang hindi paniwalaan ng hukuman ang kabuuan ng kanyang ipinahayag. Ang totoo nito, dahil sa napakasaklap na naranasan ng nagsasakdal hindi maaasahan na matatandaan pa niya ang pinakamaliliit na bahagi ng pangyayari. Ang isang saksi na ang pahayag ay mayroong kaunting pagkakamali ang karaniwang nagsasabi ng katotohanan.

Sa kabilang dako, hindi kapani-paniwala ang pahayag ng nasasakdal na hindi niya pinilit ang nagsasakdal noong ika-10 ng Pebrero. Kusang-loob daw ang kanilang pagtatalik at may isang taon nang may pagkakaugnayan sila bago pa man dumating ang nasabing araw. Ito ay napasinungalingan ng kinalabasan ng pagsusuri ng manggagamot ng NBI sa ari ni Rosalia, gaya ng sumusunod:

labia majora and minora coaptated. Fourchette tense vestibular moncoss vilacious. Hymen fleshy, presence of superficial laceration at 9 o'clock position according to face of a watch. Edges fairly coaptable and congested. Hymenal orifice originally angular and adnidts glass tube three cms. diameter with moderate resistance.

Ito ang karaniwang kalagayan ng ari ng babaeng donselya matapos ang kanyang unang karanasan. Samakatuwid, walang katotohanan ang salaysay ng nahahabla na may isang taon na silang nagtatabi ng nagsasakdal bago pa noong ika-10 ng Pebrero.

Sinabi rin ng nasasakdal na ang nagsasakdal ang tumukso sa kanya kaya sila nagkaroon ng kaugnayan. Pinangalawahan ito ng kaniyang asawa na si Salvacion Sarno na nagpahayag na ang nagsasakdal ang hayagang umakit sa kanyang asawa at sa harap niya ay ikinaskas pa ang suso nito sa asawa niya. Nang sinaway niya ito, ang sagot di-umano sa kanya ay "wala kang pakialam sapagkat ako ay puta!.

Hindi kapanipaniwala! Walang anumang katibayan na iniharap ang nasasakdal na ang nagsasakdal ay malandi at malaswang babae. Kahit na ang isang masamang babae ay hindi ipagsisiksikan ang kanyang katawan sa isang lalaki laluna't kung nakaharap ang asawa nito. At lalo nang mahirap paniwalaan kung magkumare sila. At kung totoo man na ginawa ito ng nagsasakdal sa harapan ng asawa ng nasasakdal, bakit hindi man lamang nagalit ito?

Na ang nasasakdal ay naglulubid lamang ng buhangin ay napansin din ng mababang hukuman samantalang siya ay nagpapahayag dito. Nang sinasabi niyang sila ng nagsasakdal ay mayroong kaugnayan, napansin ng hukom na matagal at atubili siya sa pagsagot sa mga tanong. Nang usisain ng hukom kung bakit hindi siya agad makapagsalita ang sagot niya ay siya ay natatakot, subalit hindi niya masabi kung ano ang kaniyang kinatatakutan. 3 Maliwanag na ang kinatatakutan niya ay ang malaking kasinungalingan na hinahabi niya upang makaligtas siya sa kaniyang mabigat na sala.

Ipinagdidiinan ng nasasakdal na ang sumbong laban sa kanya ay pagbabangong-puri lamang ng nagsasakdal sa dahilang ito ay nagdadalang-tao. Bakit kinakailangan pang ipaghayagan ang kapalaran ng nagsasakdal sa hukuman kung hindi ito ang katotohanan? Kung sila man ay nagkaroon ng pinagdaanan hindi kaya higit na mamarapatin pa ng nagsasakdal ang tiisin na lamang ang kanyang sinapit na kalagayan sa halip na magdala ng malaking kahihiyan sa kanyang angkan? Ang nakikitang dahilan ng Hukuman ay sapagkat nais ng nagsasakdal na maibangon ang kanyang nilugsong puri at maipataw ang kaukulang parusa sa nasasakdal.

Ipinagtatalo ng nahahabla kung bakit hindi agad nagsumbong ang naghahabla sa kanyang mga magulang; na hindi agad siya nagpasuri sa manggagamot; na hindi siya humingi ng saklolo nang siya ay ginagahasa; na walang anumang sugat o gasgas sa kaniyang katawan; na hindi napunit ang kanyang panti o damit; at bakit inireklamo sa ina ang tangka noong ika-19 ng Marso subalit hindi naman inireklamo ang pagkagahasa noong ika-10 ng Pebrero.

Ang sagot ay simple lamang. Malaki ang naging takot ng naghahabla. Tiniis niya ang mapait na karanasan at ito ang dahilan kaya hindi siya agad nagsumbong sa kaniyang mga magulang, hindi siya kaagad nagpunta sa manggagamot, at hindi siya nakasigaw ng saklolo. Dahil sa kanyang takot, nahubaran siya ng malaya at napagsamantalahan ng nasasakdal. Kaya wala siyang gasgas sa katawan. Wala siyang napunit na damit o panti. Subalit matapos ang higit sa isang buwang pagtitiis, at dahil sa muling pagtatangka sa kanyang purl, nagputok na ang kalooban ng nagsasakdal. Labis na ito. Sobra na. Dapat ng kalusin. Dinampot niya ang isang putol ng kahoy at ipinukpok sa ulo ang nasasakdal. At nang tangkaing ituloy ang masamang hangarin, sinabi ng nagsasakdal na lalabas siya at hihiyaw ng saklolo. Ang kanyang matinding galit ay nangibabaw sa kanyang takot. Saka lamang natigil ang maitim na hangarin ng nasasakdal.

Sapat na ito. Ang salang ginawa ng nahahabla ay malinaw. Hinalay niya ang karangalan ng isang dalaga na naiwang nagusa sa kanilang bahay. Naturingan pa namang kamag-anak ang nahahabla ng nag- uusig at pinakamalapit na kapitbahay na dapat asahan na magmamalasakit ngunit siya pa ang nagsamantala dito. Dapat siyang managot sa kanyang nakaririmarim na ginawa. Ang purl ng isang dilag ay kanyang buhay. Wasto ang parusa na mabilanggo ng panghabang-buhay ang nasasakdal.

Subalit mayroong pagkakamali ang mababang hukuman ng ipag- utos nito na kilalanin ng nahahabla bilang anak ang bunga ng kanyang kasalanan. Ang nahahabla ay may-asawa. Hindi maaari na kilalanin ang batang bunga ng kasalanan na anak ng isang may-asawa. 4 Subalit may katungkulan siyang sustentuhan ang bata ayon sa batas. 5 Bukod pa dito dapat pagbayarin ang nahahabla ang malaking pinsala na ginawa niya kay Rosalia Barranco ng halagang P 30,000. 00. 6

DAHIL DITO, ang paghahabol ni Bartolome Barranco ay pinawawalang bisa at ang hatol ng mababang hukuman ay pinagtitibay ng walang anumang pagbabago maliban na siya ay inuutusan na sustentohan ang naging bunga ng kanyang kasalanan sa halaga at panahon na papasiyahan ng mababang hukuman sa pagbasa ng hatol na ito at babayaran niya ang nagsasakdal ng P 30,000.00.

IPINAG-UUTOS.

Narvasa, Cruz, Griń;o-Aquino at Medialdea, JJ., sumasang-ayon.

 

Footnotes

1 Article 336, Revised Penal Code.

2 Section 19(l), Article III, 1987 Constitution of the Philippines.

3 TSN, February 16,1981, pages 33-34.

4 People vs. Luchico, 49 Phil. 689 (1926).

5 Article 291, Civil Code as amended by Article 195, Fan:kily Code; Article 345, Revised Penal Code; People v. Manaba, 58 Phil. 665 (1933).

6 People vs. Resano, 132 SCRA 711 (1984).


The Lawphil Project - Arellano Law Foundation