MALACAÑAN PALACE
MANILA

BY THE PRESIDENT OF THE PHILIPPINES

[ KAUTUSANG TAGAPAGPAGANAP BLG. 187, August 05, 1969 ]

NAG-AATAS SA LAHAT NANG KAGAWARAN, KAWANIHAN, TANGGAPAN AT IBA PANG SANGAY NG PAMAHALAAN NA GAMITIN ANG WIKANG PILIPINO HANGGA’T MAAARI SA LINGGO NG WIKANG PAMBANSA AT PAGKARAAN NITO, SA LAHAT NANG OPISYAL NA KOMUNIKASYON AT TRANSAKSYON NG PAMAHALAAN

SAPAGKA’T ang pagpapaunlad at pagpapalaganap ng isang wikang pambansang Pilipino na itinatadhana ng Saligang-Batas at ng Batas Komonwelt Blg. 570 ay isa sa mga pangunahing layunin ng pangasiwaang ito; at

SAPAGKA’T ang ating wikang pambansa, na tinatanggap na at nakikilala ngayon ng lahat bilang “Pilipino” ay isa sa mga mahalagang sangkap ng nasyonalismo na makapagbubunsod sa ating bayan sa ibayong kaunlaran, katiwasayan at pagkakaisa;

DAHIL DITO, ako, FERDINAND E. MARCOS, Pangulo ng Pilipinas, sa bisa ng kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ng batas at bilang pagbibigay-buhay sa layunin ng Saligang-Batas at ng Batas Komonwelt Blg. 570, ay nag-aatas at nagpapahayag na gamitin hangga’t maaari, sa lahat nang kagawaran, kawanihan, tanggapan at iba pang sangay ng pamahalaan ang wikang Pilipino sa Linggo ng Wika at gayun din pagkaraan nito, sa lahat nang komunikasyon at transaksyon ng pamahalaan.1a⍵⍴h!1

NILAGDAAN sa Lunsod ng Maynila, ngayong ika-anim ng Agosto, sa taon ng Ating Panginoon, labinsiyam na raan at animapu’t siyam.

(Lagda) FERDINAND E. MARCOS
Pangulo ng Pilipinas

Nilagdaan ng Pangulo:

(Lagda) ERNESTO M. MACEDA
Kalihim Tagapagpaganap


The Lawphil Project - Arellano Law Foundation